Sa gitna ng kadilimang bitbit ng kanyang mga talukap ay muli niyang nakita ang mga mata ni Nena—mga matang singdilim ng lupang kanyang sinasaka ngunit sa tuwina’y nagniningning, nakangiti sa bawat pagsulyap, kagalakang mababanaag sa mahahabang pilik-matang tanging gabi lamang ang papantay sa kagandahan. Nais niyang isipin na ang mga bituwin sa mga mata ni Nena ay sumasayaw para lamang sa kanya, para sa mga sandaling sila ay magkasama, na isa siya sa dahilan ng kanilang pagkutitap.

 

Sumunod na lumitaw ang maitim niyang buhok, ang malumanay nitong pag-unday pababa sa mga brasong pinahirapan ng panahon, patungo sa malalakas na kalamnang sa tuwina’y ninais niyang mahawakan. Hindi niya malilimutan ang mga sandaling nakulong siya sa mga brasong iyon—madalang, sapagkat sa bawat paglapat ng kanilang katawanay kanyang nararamdaman ang pagpupumiglas mula sa kanyang mga labi. Madalang, sapagkat ang bawat pagdaiti ay dagitab na tumatagos sa kanyang kaibuturan.

 

Lumutang sa kanyang alaala ang samyo ng sampaguita, ang hamog na dala ng umaga, ang pangako ng isang magandang araw, ang kaligayahan ng muling pagmulat mula sa pagkakahimbing—mga bagay na sa tuwina’y tangan ni Nena sa kalyo ng kanyang mga kamay. Mga bagay na sa tuwina’y kanyang natatanggap nang walang hinihintay na kapalit ngunit gayunpaman ay nais niyang suklian. Mga bagay na, lingid sa kaalaman ni Nena, siyang nagbigay kulay sa buhay niya sa hasiyenda.

 

Sa kanyang gunita’y muli niyang inalala ang nagdaang umaga: ang pagkakaupo ni Nena sa ilalim ng punong mangga, umiindayog ang ulo sa ritmong ang nakaririnig ay tanging siya; ang banayad na pag-alon ng kanyang buhok sa mahinang pagsipol ng hangin; ang mababang paggapang ng ulop sa kanyang batak na mga binti. Kanyang naalala ang mabilis na pagtibok sa kanyang dibdib nang pumaling ang ulo ni Nena sa kanyang kinatatayuan, matamis ang ngiti sa mga labi, at sinabing, “Kanina pa kita hinihintay, Maria.”

 

At naisip ni Maria, bago niya sagutin ang pagtawag ni Mayari, “Bukas, Nena. Bukas na bukas din…”

RECOMMENDED ARTICLES