Paraluman, mukha’y ’wag takpan;
Mga mata’y pahirin at buksan.
Humayo ka’t iwan ang kadilimang
Dala ng tinig ng alinlangan.
Kung puso’y bumubulong ng kasinungalingan,
Ipaling ang tainga sa kalangitan:
Ika’y likhang mas maringal pa kay Galatea,
Nililok ng Kamay na higit pa kay Abueva.
Yari mo’y matayog at matibay na kamagong,
Kayumangging-ginto sa liwanag ng hapon.
Taglay mo sa’yong mata’y mga tala at buwan,
At ilandaan-libong mundo at kalawakan.
Haring Araw ay yumuyukod at nagbibigay-pugay
Sa ngiti mong marilag pa sa bukang-liwayway.
Juana, ikaw ay manalig;
Iwaksi ang lungkot at ligalig.
Umibig, ‘pagka’t ikaw ay inibig.
Tumindig at ilakas ang ‘yong tinig.
Magdiwang ka, Juana,
‘pagkat ika’y ‘pinadiwang;
Buong langit ay nagsikantahan
Sa pag-uwi mo’t muling pagsilang.
Ikaw ay prinsesa, awit nila,
Tanggalin ang talukbong;
tanggapin ang korona.
Ika’y itinakdang tagapagmana;
Daigdig at Langit ay trono ng ‘yong Ama.